Unang
malinaw na usaping mahuhugot mula sa librong The Siamese Theater ay ang
isyu ng sekularisasyon ng ilang mga anyo ng “Siamese Theater” mula sa kanilang
pinaniniwalaang orihinal o pinag-ugatang anyo. Gaya na lamang halimbawa sa kaso
ng like na itinuturing na parodiya ng lagor, kung
saan pinasukan na nga ang anyong ito ng Siamese Theater ng ilang katatawanan.
Gayundin naman ang hun krabawk na kalauna'y mas itinuturing nang
mas popular kaysa sa orihinal na anyo nito, ang hun. Ang nang
talung naman ay sumibol mula sa orihinal nitong anyo na nang,
at naging mas popular ding anyo.
Tila laging
kaakibat naman yata ng pagbabago ng panahon ang ebolusyon rin ng iba't ibang
anyo ng sining, partikular na nga sa teatro na siyang tuon ng analisis na ito.
Pinatutunayan ito ng mga nabanggit sa itaas na halimbawa ng ebolusyon ng mga
anyong ito ng teatro mula sa kanilang orihinal na anyo. Maraming maaaring
pag-ugatan ang ganitong akto ng sekularisasyon, ilang malinaw na mga dahilan ay
ang aspetong pulitikal, sosyo-ekonomikal sa partikular na lugar na kumukupkop
sa naturang mga anyo ng dula—bagay na hindi maitatanggi.
Isa
pang malinaw na isyu ay hinggil sa usapin ng kawalan ng pagpapahalaga sa mga
kababaihan sa ilang anyo ng Siamese Theater, na malinaw namang makikita sa
dulang khon. Kung saan, isang malinaw na batas ng naturang
dula na nababanggit ng libro ang hindi pagpayag sa kababaihan upang magtanghal
sa khon, at kahit pa man ang mga babaeng “roles” ay kinukuha pa ng mga lalaking
aktor.
Usapin ng Relihiyon
Maipapasok
rin dito ang usapin ng relihiyon, partikular na nga ang Hinduismo. Malakas ang
kaugnayan ng relihiyon sa pag-iral ng karamihan sa mga anyo ng Siamese Theater.
Katunayan, puwedeng ang institusyong ito
ang dahilan ng patuloy na pag-iral ng ilang anyo ng dula sa Siam, sapagkat may
malakas itong hatak sa lipunan. Sa partikular na seting na lamang ng Pilipinas,
malaki at integral pa ngang maituturing ang bahaging ginagampanan ng relihiyon
o simbahan sa pananatili ng isang partikular na dula, kagaya nga ng senakulo at
komedya.
Ideya ng Interculturalism at Multiculturalism
Samantala, ang ideya ng interculturalism at multiculturalism ay malinaw ring makakatas
mula sa pagbabasa ng naturang libro. Ang interculturalism ay maaaring pumasok
sa akto ng paggamit ng karamihang anyo ng Siamese Theater sa epikong Ramayana,
nakaugat ang kanilang pagtatanghal sa kuwento ng epikong Ramayana. Sa kabilang
banda, masasabing aplikable ang multiculturalism, sa kadahilanang binubuo ng
iba't ibang anyo ang Siamese Theater, na may iba't iba ring pagsasakonteksto o
pagsasakatutubo sa naturang mga dula sa iba't ibang lugar sa Siam o ngayo'y
Thailand.
Usapin ng Marginalization
Hindi
rin naman mawawala ang usapin ng “marginalization” sa ibang mga anyo ng Siamese
Theater—kung saan, litaw ang hirarkiya ng mga anyo ng dula batay na nga rin sa
ilang institusyon sa lipunan na nagpapasya kung ano ang maganda sa kanilang
paningin at kung ano ang hindi maganda.
Ang hun na lamang halimbawa, puppet theater, ay isa sa biktima ng akto
ng marginalization sa naturang lugar.
Panghuling
punto, mahalaga ring mabanggit na nakabase ang pagkakahon sa “Theater of Siam”
sa limang anyo sa komentaryo ng King Rama VI ng Siam, na maaaring mapaghugutan
pa ng isang mahalagang usapin—na malaki nga ang epekto ng ilang institusyon o
maimpluwensiyang tao sa pagkakategorya sa mga anyo ng dula ng Siam. #
Note: Ang papel na ito ay gawa ni LOREEN DAVE CALPITO, ang moderator ngayon ng KwenPalihan sa CSA, noong siya'y nasa kolehiyo pa lamang--sa kanyang Theater 162.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento