Miyerkules, Hulyo 25, 2012


Ang Aking Ina, Ang Aking Bayani
Ni Sophia Elaine Turalde
* Ang sulating ito ay resulta ng isinagawang palihan sa College of Saint Anthony sa ilalim ng KwenPalihan.

Mapagmahal, maalalahanin at mapag-aruga.

Ganyan ko maisasalarawan ang aking ina. Siya ang nagbigay ng buhay at kulay sa akin. Siya ang kaibigan ko. Siya ang aking unang guro.

Marahil, ganyan din ninyo mailalarawan ang inyong mga ina. Ang aking ina ay itinuturing kong guro, kaibigan at siyempre pa magulang. Batid kong nang ako’y ipinanganak, siya ay lubo snaghirap. At, hanggang ngayon ay batid ko ang sakripisyong ginagawa niya para sa akin.

 “Di baleng hindi ka matalino, basta magkaroon ka ng respeto sa kapwa mo,” minsan nang nasabi iyan ng aking ina at alam kong tama siya. Dahil ang iba, matatalino nga, wala namang respeto.

Aking ina, aking bayani.

Martes, Hulyo 24, 2012


Ang Nakabubuti
Ni Micah M. Rimando

Sa bundok ng masaganang lupain, kung saan mistulang dugo ang buhangin
Sa ilalim ng lupang mala-balon ang lalim, nakatanim ang lunas ng karamdamang madilim.

Pawis na pawis si Sultan Felipe nang mamulat mula sa mahimbing na pagtulog. Ito ang mga linyang narinig niya mula sa isang mala-anghel na tinig na nagbigay sa kanya ng bisyon kung saan matatagpuan ang lunas ng kakaibang karamdaman ng kanyang mga ka-tribo.

“Magandang umaga Sultan Felipe! Bakit ang aga mo yatang nagising?” ani Isabella na naghahanda ng pang-umagahan.

“Ikinagagalak kong mayroong panaginip na tumatak sa aking isipan. Mukhang alam ko na kung saan mahahanap ang lunas ng sakit ng ating mga ka-tribo. Kailangan kong umalis sa lalong-madaling panahon upang maagapan ang karamdaman nila,” masayang winika ni Sultan Felipe.

“Ngunit, natitiyak mo ba kung mahahanap mo ang nasabing lunas sa lugar na pupuntahan mo? Saan nga ba patungo ang Sultan?” sabi ni Isabellang may bahid ng kunot sa ulo.

“Palagay ko ay sa Bundok Kana matatagpuan ang lunas, dahil tulad ng nakita ko sa aking bisyon ay mapula at mataba ang lupa roon,” ani Sultan Felipe.

“Sige. Kung iyon ang nakabubuti para sa mga tribo, papayagan kitang maglakbay,” nakangiting iwinika ni Isabella

Natapos nang mag-umagahan si Sultan Felipe at ang kanyang pamilya. Ipinahanda na rin ni Isabella ang limpak-limpak na baon, malalakas na kabayo, at tatlong alipin para sa mahaba-habang paglalakbay.

 “Handa na kami sa pag-alis. Asahan niyong iuuwi ko ang lunas para sa tribo. Paalam Isabella at Luna!” sabi ng masiglang si Sultan Felipe habang nakasakay sa kabayo.

Halu-halo ang emosyon ng mag-ina habang kumakaway sina Sultan Felipe.
           
Ilang ilog, bundok, at bayan din ang kinailangan nilang tawirin bago makarating sa paanan ng bundok.

Nabanat at bumigay na ang kanilang mga katawan.  Hindi na nila kayang magpatuloy pa. Nag-pahinga muna sila sa ilalim ng Ipil-Ipil at hinintay ang bukang-liwayway. Bumagsak agad ang kanilang mga katawan sa sobrang pagod. Ang malamig na simoy ng hangin ang nagpahimbing sa tulog nila. Malakas din ang hampas ng hangin kaya’t halos magwagayway na ang mga puno.

“Baaang!”

Bumagsak ang puno ng Ipil-ipil at agad na napasigaw si Sultan Felipe at ang mga alipin.

“Araaay! Ang Sakit! Tulungan niyo ako!” sigaw ni Sultan Felipe na humahagulgol sa sobrang sakit ng natamo niya.

Naputol ang hintuturong daliri sa kaliwang kamay ni Sultan Felipe dahil sa matalim na sanga ng bumagsak na puno. Malakas ang tulo ng dugo nito at dahil dito ay nawalan ng malay ang sultan. Agad namang niliinisan at tinapalan ng telang pinunit mula sa damit ang sugat niya ng kanyang mga alipin.

“Aray!” pasigaw na sinabi ni Sultan Felipe sa kanyang pag-gising.

“Mahal ko pong sultan, nalinisan na po namin ang inyong sugat. Maaring kumain muna kayo upang bumalik ang inyong lakas,” ani Custodio.

“Sige. Ngunit, paano nalaglag ang puno, gayong mukha naman itong matibay?” nagtatakang winika ni Sultan Felipe.

 “Hindi po namin alam. Pero, ang sa tingin ko po ay nakabubuti iyan,” nakangiting sinabi ni Custodio.

“Isa kang Hangal! Mabuti bang maputulan ng daliri?!” ani Sultan Felipe na nag-iinit sa galit.

Agad na inutusan ni Sultan Felipe ang dalawa pang alipin na bantayan siyang mabuti at dalhin pauwi sa kanilang tribo upang ipa-kulong. Napag-isip-isip niya na baka may kinalaman si Custodio sa pag-bagsak ng puno na siyang nagdulot ng pagkaputol ng kanyang daliri. Nagpasya siyang lumisan na at magpatuloy ng mag-isa sa paghahanap ng lunas sa matarik at nakakatakot na bundok.

“Pssst!”

Isang kagimbal-gimbal na tunog ang narinig niya habang siya ay naglalakbay sa madilim na gubat na siyang ikinagulat niya. Napatingin siya sa iba’t-ibang direksyon. Ang isip niya ay natataranta at nanginginig siya sa sobrang takot habang pinapalo ang kanyang kabayo para bumilis. Pero bigla siyang napahinto.

“Araaay!” sigaw ni Sultan Felipe

Biglang nangdilim ang kanyang paningin at umikot ang kanyang mga mata. Unti-unti siyang nawalan ng malay at hindi na niya namalayang nalaglag siya mula sa kabayo. Natamaan siya ng sumpit na may lasong nagdudulot ng pagka-antok. Agad siyang nilapitan ng mga taong kakaiba ang itsura. Inangat siya at binuhat papunta sa isang malaking kweba.

“Panginoong Kudarat, inaalay namin sa iyo ang taong ito bilang pasasalamat!”

Nagising na siya at pinipigilan niyang buksan ang kanyang mga mata. Naririnig niya ang mala-orasyong pagdarasal ng mga taong ito na may kakaibang relihiyon at diyos. Nararamdaman din niyang maraming tao ang nakapaligid sa kanya. Pawis na pawis siya at nanginginig sa kabang ipiprito siya ng mga ito. Gusto niyang tumakas ngunit sakal na sakal siya sa mahigpit na lubid na nakapalupot sa buong katawan niya. Nagdadasal siya ng mataimtim sa kanyang isipan.

“Sindihan na ninyo ang apoy!” malakas na sinigaw ng pinuno nila habang nagsisigawan ang tao sa paligid na bakas ang labis na aliw.

Sa puntong ito ay hindi na niya magalaw ang kanyang katawan. Hindi na siya makapag-isip. Malakas ang kalabog ng kanyang dibdib sa sobrang kabang maluto ng buhay sa nagbabagang apoy. Sinindihan na ang apoy. Nagsimula sa maliit na apoy ang pagsindi at unti-unting lumalaki habang tumatagal. Ramdam niya na ang init at hapdi. Napaso na ang katawan niya.

“Itigil niyo iyan! Hindi natin siya maaring ialay kay Kudarat sapagkat hindi kumpleto ang kanyang katawan. Hindi buo ang isa niyang daliri. Huwag niyo iyang ituloy kung ayaw niyong magdulot ito ng sayad sa ating kapalaran!” wika ng isa sa mga nakiki-nuod sa pag-aalay.

Agad siyang binuhusan ng malamig na tubig na siyang nagdulot ng mas matinding sakit sa kanyang balat. Ipinatapon siya ng mga ito sa ilog sa pagiisip na wala na siyang kwenta. Nanghihina pa siya ng mga oras na iyon. Pinilit niyang humawak sa isang bato. Kumapit siya dito at unti-unti siyang naka alis sa ilog. Ngunit, nang nakalayo na siya sa ilog ay bigla siyang hinimatay.

“Isabella?” ani Sultan Felipe na kakagising lang mula sa mahabang tulog.

“Mahal kong Sultan, buti at nagising ka na! Matagal ka nang hindi bumabalik kaya’t nagpadala ako ng mga alipin upang hanapin ka. Nahanap ka nila malapit sa ilog na may mga sunog at sugat sa buong katawan. Buti at hindi ka nabawian ng buhay!” sabi ni Isabella na may bakas ng pag-aalala para sakanya.

“Binihag ako ng isang tribo at tinangka nilang i-alay ako sa kanilang diyos. Buti at hindi ito natuloy dahil hindi ako karapat-dapat ukol sa kanilang kwalipikasyon bilang alay. Malaki ang naitulong ng putol kong daliri! Ay! Ipagpaumanhin mo ako at may kailangan akong puntahan,” wika ni Sultan Felipe.

Biglang tumayo si Sultan Felipe kahit mahina pa ang kanyang katawan. Tumakbo siya patungo sa kulungan. Pumunta siya sa silid ni Custodio.


“Custodio! Maraming Salamat! Tutuo ngang nakabubuti ang pagka-putol ng aking daliri! Kung hindi na putol ang aking daliri ay naluto na ako ng buhay ng kakaibang tribo na nasalubong ko na nagaalay ng kumpletong katawan ng tao! Malaki ang aking pagsisisi ko na pinakulong kita. Patawarin mo ako,” sabi ni Sultan Felipe

“Ngunit, nakabubuti rin po ang pagpapakulong niyo sa akin. Pinasasalamatan ko kayo at iniligtas niyo ang aking buhay ! Kung hindi niyo kami pinauwi ay malamang kami ang naprito ng buhay dahil sa kumpleto naming katawan. Maraming Salamat po!” wika ni Custodio na abot langit ang ngiti sa sobrang galak.

“Ngunit, ikinalulungkot ko na hindi ko naman nahanap ang lunas tulad ng ipinangako ko. Hindi ko pa rin naligtas ang aking bayan! At higit sa lahat ay namatay ang aking kaisa-isang anak na si Luna ng di ko man lang nasabihan ng paalam. Nadapuan na rin siya ng sakit nang umalis tayo at hindi ko man lang ito agad nalaman!” ani Sultan Felipe na hindi na napigilan ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata.

“Nakikiramay po ako sa pagkamatay ng inyong anak. Wag po kayong mawalan ng pag-asa. Lahat ay nangyayari para sa nakabubuti,” sabi ng alipin.

Patuloy na naghanap ng lunas ang sultan. Dumating na ang araw ng libing ng kanyang anak, at hindi pa rin niya ito nahahanap. 

Pumunta sila sa kabilang bayan , ang bundok ng Lila kung saan ang pangunahing hanapbuhay ay pagsasaka. Ito ang hinabiling lugar ni Luna bago siya mamatay kung saan gusto niya daw ma-ilibing sa pagpanaw.

 Malakas ang hinagpis at iyak ng mga kaanak ni Luna. Hindi nila matanggap ang pagkamatay ni Luna.

“Pwede na po ba ang ganito kalalim?” ani Custodio na naghuhukay para sa paglilibingan ni Luna.

“Mag hukay pa kayo” wika ng sultan na umiiyak.


“Mahal na Sultan! Mayroong banga dito! Tingnan niyo po!” sigaw ng alipin na nakahukay na ng sobrang lalim.

“Buksan mo ang banga. Tingnan mo kung ano ang laman,” ani Sultan Felipe.

Binuksan ng alipin ang banga. Nasilaw ang mga nakikiramay sa libing sa pagsikat ng banga. May laman itong Tubig na kasing ningning ng bituin.

Nagulat ang mga nakikiramay ng marinig ang isang tinig na kumakanta ng isang linya na tulad ng narinig ni Sultan Felipe sa kanyang panaginip noon.

“Aha! Nakabubuti nga!”sigaw ni Sultan Felipe na abot tainga ang ngiti.

* Ito ay proyekto ni Micah sa Filipino III sa College of Saint Anthony.

Huwebes, Hulyo 12, 2012

Hanap Ko ay Isang Ama


ni Danielle Anne Malabed

Pagkawalay. Kalungkutan. Pangungulila.

Taong 2001 nang nagsimulang mangibangbansa ang aking ama. Ngunit, sa loob ng 12 taon ng aking pamumuhay sa daigdig na ito, kailanman ay di ko siya naksama sa aking kaarawan.

Akin pang natatandaan noong aking ika-pitong kaarawan ay umiiyak ako sa aking ina at tinatanong "Bakit laging wala siya sa birthday ko?"

Makalipas ang gabing iyon ay naliwanagan ang aking pag-iisip. Kung hindi siya aalis ng bansa, paano ang amin pamilya? paano kami makakapag-aral?

"Sa bawat kawalan ay mayroong kaginhawaan"


Resulta ito ng ginawang kwentuhan at palihan noong Hulyo 12,2012. Kung mapapansin, stacatto type ang estilong ginamit ng may-akda. Ang akdang ito ay isang uri ng Personality Feature. Mag-aaral si Danielle ng I-Jose Rizal at dati nang sumasali sa mga timpalak.
Bukang-liwayway

ni Blessing Rivera


Umaga. Araw. Gabi. Matapos ang lahat ay muling ngingiti ang araw sa mundong ibabaw. Bagong pag- asa.


Pinakadakilang regalo na nga ang magising sa umaga at masilayan ang ngiti sa mukha ng iyong pamilya. Ang bawat buhay ay may pinanggagalingan. 

Diyos na dakila. Bathala. Siya si Allah. Sumumpang ‘di mang- iiwan . At hindi ka hahayaang masaktan.

Bukang- liwayway. Mga huni ng ibon at tilaok ng manok ang gigising sa iyong natutulog na diwa. ‘Di man maganda ang unang kabanata, maaaring may balak ang Diyos sa susunod na yugto ng pag- asa.

Daigdig ng Pagdarahop at Pagbangon 

Palagi na lang akong nagdarasal sa Kanya na sana’y masaya ang bawat araw na magdaraan. Nakalimutan ko nang humingi ng tawad at pasasalamat.

Isang masidhing kahilingan ang aking hiningi kay Bathala. Sana’y mapagtagumpayan ko ang isang patimpalak na aking sasalihan. Ngunit, tila ako pinaglaruan ng tadhana. Wala akong nagawa. Natalo ako.

Sinisi ko Siya. Sinumbatan. Itinakwil.

Isinumpa ko sa sariling, hindi na’ ko kailanman hihingi ng kahit anong bagay na nais ko mula sa Kanya. Labis kong dinamdam ang bahang sumira sa aking pangarap. ‘Di ko alam na may mas maganda pala Siyang plano para sa aking talento.

“Sa oras ng paghihirap ikaw ay lagi Kong akay at hawak.”

Binigyan Niya ako ng pagkakataong mailahad ang aking talento. Nanalo ako at higit pa ang ibinigay Niya. Sunud- sunod na pagtatagumpay.

Totoo nga ang sabi nila. Tinutupad Niya ang iyong mga kahilingan. Basta’t maghintay ka lang.

Bukang- liwayway na. Hawak ka Niya sa bisig habang sinasambit ang mga katagang, “Hindi kita iiwan.”


Output ito mula sa KwenPalihan Club ng College of Saint Anthony, Hulyo 12, 2012 sa ilalim ni G. Dave Calpito. Si Blessing ay isang estudyante ng II-Emilio Aguinaldo.

Matalik na Kaibigan

ni Ralph Abes

Maingay. Mabait. Tapat. Mapagbigay. Masarap kasama.

Ilan lamang iyan sa mga katangiang tinataglay ng isa sa aking mga matatalik na kaibigan. Bawat oras na kami’y magkasama, pansamantala kong nakalilimutan ang aking mga problema.

“Hello, ano’ng pangalan mo?” ika niya noong una naming pagkikita noong Hulyo ng nakaraang taon.

Akala ko’y hindi niya ako papansinin, ngunit ako’y nagkamali. Siya pala’y mapagpakumbaba.

Agad kaming naging malapit sa isa’t isa.  Naging malapit din ako kila Bea at Jojie. At, kalaunan ay bumuo kami ng grupong nagngangalang “Foursome.”

Isa sa mga paraang aking ginawa upang kami’y lalong mapalapit sa isa’t isa ay ang pakunwaring pag-away sa kanya. Pero, agad din naman kaming nagbabati.

Ngayon na alam kong matibay na ang aming pagkakaibigan, ayos na lamang ang mapalayo siya sa akin.

Hay, Aya. Kung malapit ka lang sa’kin. Nasa last column ka kasi eh.

"Output" ito mula sa KwenPalihan Club ng College of Saint Anthony (CSA), Hulyo 12, 2012 sa ilalim ni Ginoong Dave Calpito. Si Ralph ay isang estudyante ng II-Emilio Aguinaldo sa eskwelahan..